MANILA, Philippines — Sumailalim sa ikalawang doping test si eight-division world champion Manny Pacquiao upang masiguro na malinis ito para sa pakikipagsuntukan nito kay Errol Spence sa Agosto 21 (Agosto 22 sa Maynila) sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.
Isinagawa ang testing ng Voluntary Anti-Doping Association (VADA) sa pamamagitan ng Grapevine Home Health Services kung saan dalawang specimen ang kinuha sa Pinoy champion — ang urine sample at blood sample.
Una nang nagsagawa ng testing si Pacquiao noong Huwebes (Biyernes sa Maynila) kung saan urine sample lamang ang kinuha ng VADA sa kanya.
Isinagawa ang pagkuha ng urine sample at blood sample matapos ang kanyang pukpukang ensayo sa Wild Card Gym sa Hollywood, California.
Bukod sa VADA doping test, sumalang din si Pacquiao sa swab test para masiguro na ligtas ito sa coronavirus disease (COVID-19). Negatibo ang lumabas na resulta.
Hindi lamang si Pacquiao ang sasailalim sa ganitong proseso dahil pagdaraanan din ito ni Spence — ang reigning World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight champion.