Laure sisters tutok muna sa UAAP
MANILA, Philippines — Hindi masisilayan ang magkapatid na Eya at EJ Laure sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference na target simulan sa Hulyo 17 sa isang bubble setup sa Laoag, Ilocos Norte.
Nagpasya ang Laure sisters na maglaro para sa University of Santo Tomas sa susunod na season ng UAAP women’s volleyball tournament.
Nagpost pa si Eya ng isang makahulugang mensahe sa kanyang social media account kung saan desidido itong muling suotin ang Tigresses jersey.
“Unfinished business,” ani Eya.
Nais ni Eya na tapusin ang kanyang collegiate career na may dala-dalang championship crown.
Matatandaang isa si Eya sa mga nanguna upang dalhin ang Tigresses sa finals noong UAAP Season 81.
Subalit yumuko ang ang UST sa kamay ng Ateneo de Manila University, 1-2, sa best-of-three championship series.
Bahagi sana ang Laure sisters ng Chery Tiggo na sasalang sa Open Conference. Subalit nagpasya ang PVL na opisyal na maging professional league.
Dahil dito, sa oras na maglaro ang isang student-athlete sa isang professional league, awtomatikong mawawalan ng saysay ang playing eligibility nito sa UAAP.
Kaya naman nais muna ng Laure sisters na tulungan ang UST sa UAAP bago tumuntong sa professional league.
Suportado naman ng pamunuan ng Chery Tiggo ang desisyon nina Eya at Laure.
Mananatiling nakabukas ang pintuan ng Crossovers sa oras na muling maglaro ang dalawa para sa kanilang club.
- Latest