Hawks itinabla ni Williams sa Bucks

ATLANTA, Philippines — Kumamada si Lou Williams ng 21 points para saluhin ang naiwang trabaho ni star guard Trae Young sa 110-88 panalo ng Hawks sa Milwaukee Bucks sa Game Four ng kanilang Eastern Conference finals showdown.

Nagdagdag si Bogdan Bogdanovic ng 20 markers para itabla ang Hawks sa 2-2 win-loss record sa kanilang duwelo ng Bucks.

“Everybody played with confidence. Everybody played at a high level,” sabi ni Williams.  “Going back to Milwaukee, we’re going to have to bottle it up and take it with us.”

Ang Game Five ay sa Milwaukee.

Hindi naglaro si Young dahil sa kanyang right ankle injury na nangyari sa kabiguan ng Atlanta sa Game Three habang nagkaroon si Milwaukee two-time MVP Giannis Antetokounmpo ng injury sa kaliwang tuhod sa third quarter.

“We’ll see how he is tomorrow,” ani Bucks coach Mike Budenholzer. “We’ll take everything as it comes. We’ll evaluate it. We’ve got a heck of a team, a heck of a roster.”

Nalimitahan si Milwaukee forward Khris Middleton sa 16 points mula sa 6-of-17 fieldgoal shooting matapos humataw ng career playoff high na 38 markers sa kanilang panalo sa Game Three.

Matapos kunin ang 51-38 abante sa halftime ay umiskor ang Hawks ng 25 points sa kabuuan ng third period kasabay ng paglimita sa Bucks sa 8 markers para ilista ang 87-62 kalamangan.

Tumipa si Jrue Holiday ng 19 points para pamunuan ang Milwaukee at tumapos si Antetokounmpo na may 14 markers bago magka-injury.

Samantala, muling pipilitin ng Phoenix Suns na makapasok sa NBA Finals sa unang pagkakataon matapos noong 1993 sa pagsagupa sa Los Angeles Clippers sa Game Six ng kanilang Western Conference finals series.

Diniskaril ng Clippers ang pagpasok ng Suns sa NBA Finals matapos kunin ang 116-102 panalo sa Game Five tampok ang 41 points ni Paul George para sa 2-3 agwat sa serye.

Nauna nang nakabangon ang Clippers mula sa 0-2 deficit laban sa Dallas Mavericks sa first round at Utah Jazz sa second round papasok sa Western Conference finals sa unang pagkakataon sa kanilang franchise history.

Show comments