MANILA, Philippines — Nilinaw ng Perlas Spikers na walang nilabag na health protocols ang bawat miyembro ng koponan na nasa training camp sa Baguio City.
Naglabas ng statement ang Perlas Spikers upang pabulaanan ang mga lumabas na ulat sa ilang news outlet kung saan lumabas umano ang ilang players sa training bubble.
Iginiit din ng Perlas Spikers na hindi ito naka-billet o nagtungo sa Teacher’s Camp sa panahon ng kanilang training camp.
Tanging sa tinutuluyang accommodation lamang at training venue ang pinupuntahan ng team.
“We are not billeted in Teacher’s Camp. The only places that we go to apart from our accommodation are our court training venue and our gym training,” ani Perlas Spikers team captain Jem Ferrer.
Sinabi pa ni Ferrer na may mga CCTVs ang kanilang accommodation para patunayan na hindi lumalabas ng training bubble ang kanilang tropa.
“In our accommodation there is a CCTV that monitors us 24/7 and that can prove that we do not go out of our gates except for court training and gym training as mentioned earlier,” dagdag ni Ferrer.
Walong miyembro ng Perlas Spikers delegation ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) kabilang na ang pitong players.
Nanawagan ang Perlas Spikers na patuloy na ipanalangin ang mabilis na paggaling ng mga tinamaan ng virus lalo pa’t nalalapit na ang pagbubukas ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference na planong simulan sa Hulyo 17.
Mananatili ang Perlas Spikers sa pagsunod sa mga patakarang ipinatutupad ng RIATF, LGU at GAB habang nananatili ito sa Baguio.