MILWAUKEE - Kumamada si star guard Trae Young ng 48 points para pangunahan ang Atlanta Hawks sa 116-113 pag-eskapo sa Bucks sa Game One ng kanilang Eastern Conference finals series.
“I loved playing against an opposing crowd, an opposing team. It feels like you’re really with your team, and it’s just them in the building,” sabi ni Young. “I think that really brings our group together.”
Nagtala si John Collins ng 23 markers at 15 boards para sa 1-0 lead ng Atlanta habang may 19 boards at 12 markers si center Clint Capela tampok ang kanyang go-ahead putback sa huling 29.8 segundo.
Ito naman ang unang home loss ng Milwaukee sa postseason.
Nakatakda ang Game Two bukas sa balwarte pa rin ng Milwaukee.
Pinamunuan ni Giannis Antetokounmpo ang Bucks sa kanyang 34 points, 12 rebounds at 9 assists at nag-ambag si Jrue Holiday ng 33 points at 10 assists.
Tumapos si Khris Middleton na may 15 points, ngunit naimintis ang panabla sanang 3-pointer.
Sa likod nina Antetokounmpo at Holiday, kinuha ng Bucks ang 105-98 kalamangan sa huling 4:18 minuto ng fourth period.
Pero hindi pumayag si Young na matalo ang Hawks at binanderahan ang kanyang koponan sa panalo tampok ang dalawa niyang free throws sa natitirang 4.6 segundo.