PBA naghahanda na sa season opening

PBA commissioner Willie Marcial
STAR/ File

MANILA, Philippines — Pinaplantsa na ng PBA management ang lahat para sa pagbubukas ng PBA Season 46 Philippine Cup na inaasahang masisimulan na sa susunod na buwan.

Pangunahing prayoridad ng PBA ang mga health protocols na gagawin bago simulan ang season.

Hindi naman na bago ang liga sa ganitong sitwasyon dahil nagawa na ito noong pumasok sa full bubble ang liga sa PBA Season 45 Philippine Cup sa Clark, Pampanga.

Ngunit nais ni PBA commissioner Willie Marcial na masigurong nasa tamang direksiyon ang lahat upang matiyak ang kaligtasan ng mga players, coaches, officials at team staff.

Kailangan din aniyang nakalinya ang lahat sa patakarang ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force na nakasaad sa Joint Admi­nistrative Order na binuo ng Department of Health, Games and Amusements Board at Philippine Sports Commission.

Iniiwasan ng liga na magkaroon ng positive result sa reguar swab tes­ting na isasagawa habang tumatakbo ang liga.

Matatandaang napatigil ng ilang araw ang Philippine Cup noong nakaraang taon matapos may magpositibo sa loob ng bubble.

Maliban sa health protocols, inaayos na rin ang mga gagamiting venues sa oras na makakuha na ng go signal ang liga sa IATF.

Target na gamitin ang Ynares Center sa Antipolo City at ang Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Show comments