MANILA, Philippines — Kung si basketball legend Ramon ‘El Presidente’ Fernandez ang tatanungin ay mas gusto niyang panatilihin ang kasalukuyang komposisyon ng Gilas Pilipinas para sa mga sasalihang international tournaments.
“Palagay ko itong mga bata na ang ipadala natin. Not for anything else but this is thinking long term,” sabi kahapon ni Fernandez, ang four-time PBA Most Valuable Player.
Pinamumunuan nina 7-foot-1 Kai Sotto, naturalized center Angelo Koaume, Fil-Am big guard Dwight Ramos, forward Carl Tamayo at point guards SJ Belangel at RJ Abarrientos ang Gilas Pilipinas.
Sa paggiya ni coach Tab Baldwin ay kinumpleto ng Nationals ang six-game sweep sa nakaraang third at final window ng FIBA Asia Cup Qualifiers papasok sa tournament proper sa Agosto sa Jakarta, Indonesia.
Hiniling ni Fernandez sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na panatilihin ang mga batang players ng Gilas Pilipinas.
“Iyong mga bata natin kapag i-expose natin sa ganoong level ng competition siguradong mag-iimprove iyan,” wika ng four-time PBA MVP.
“Iyong mga PBA players naman mag-iimprove din sana sila, but hindi kagaya ng improvement ng mga batang ito.”
Nakatakdang lumahok ang Gilas Pilipinas sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Hunyo 29 hanggang Hulyo 4 sa Belgrade, Serbia.