Donaire-Casimero fight kasado na!
MANILA, Philippines — Kasado na ang pagtutuos nina World Boxing Council (WBC) champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire at World Boxing Organization (WBO) titlist John Riel Casimero sa isang all-Filipino bantamweight unification fight sa Agosto 14 (Agosto 15 sa Maynila) sa Amerika.
Mismong si Donaire ang nagsiwalat ng balita sa kanyang social media account kahapon.
Ikinuwento ni Donaire na galing ang imbitasyon kay MP Promotions chief Sean Gibbons na agad naman nitong tinanggap.
“Invite from Sean Gibbons: Nonito Donaire, you want some of this, it’s for you. Pressed yes on the invite. Rachel and Richard did magic. August 14, switcheroo,” ani Donaire.
Kinumpirma naman ito ni Casimero sa hiwalay na post sa social media kung saan nakalagay ang bandila ng Pilipinas.
Orihinal sanang makakalaban ni Casimero si Cuban boxer Guillermo Rigondeaux sa Agosto 14 subalit hindi na ito matutuloy kung saan naging kapalit si Donaire sa bakbakan.
Magkasama pang nanood sina Donaire at Casimero sa laban nina Michael Dasmarinas at Naoya Inoue kahapon sa Virgin Hotels sa Las Vegas, Nevada.
Galing si Donaire sa impresibong fourth-round knockout win kay Nordine Oubaali noong nakaraang buwan sa Carson, California para maagaw ang WBC belt.
Ang magwawagi kina Donaire at Casimero ang inaasahang makakasagupa ni World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) champion Naoya Inoue sa isang unification bout.
- Latest