Gilas tinambakan ang Indonesia

MANILA, Philippines — Nagsilbing tune-up game ang 76-51 demolisyon ng Gilas Pilipinas laban sa Indonesia sa third at final window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Clark, Pampanga.
Dumiretso ang Nationals sa pagpoposte ng 5-0 record sa Group A bilang paghahanda sa kanilang rematch ng South Korea (4-1) bukas ng alas-3 ng hapon.
Nalasap ng mga Indons, ginabayan ni dating Gilas coach Rajko Toroman at ipinarada si dating PBA import Lester Prosper, ang 1-4 baraha.
Umiskor sina naturalized center Angelo Kouame at Justine Baltazar ng tig-11 points at may 10 markers at 12 rebounds si Dwight Ramos para sa Nationals ni coach Tab Baldwin.
Kumolekta naman si 7-foot-1 Kai Sotto ng 7 points, 7 boards at 1 shotblock.
Ipinoste ng Gilas ang 17-point lead, 48-31, sa huling 2:27 ng third quarter patungo sa 63-43 mula sa dalawang free throws ni Lebron Lopez sa 5:35 minuto ng fourth quarter.
Mula rito ay hindi na nakalapit ang Indonesia.
Nauna nang minasaker ng Nationals ang mga Indonesia, 100-70, sa first window noong Pebrero ng nakaraang taon sa Jakarta para sa una nilang panalo sa qualifiers.
Bukod sa Pilipinas at Indonesia (1-3) ay pasok na rin ang South Korea (3-1) sa FIBA Asia Cup Championships sa Agosto 16-28 sa Jakarta.
- Latest