Eala, partner swak sa Finals

MANILA, Philippines — Umusad sa finals sina top seeds Alex Eala at Russian partner Oksana Selekhmeteva sa girls’ doubles ng prestihiyosong French Open na ginaganap sa Stade Roland Garros sa Paris, France.

Kinailangan lamang nina Eala at Selekhmeteva ng sapat na lakas para pataubin sina unseeded Italian duo Eleanora Alvisi at Lisa Pigato, 6-2, 6-2, at masiguro ang tiket sa finals.

Sasagupain nina Eala at Selekhmeteva sa cham­pionship round sina Russian Maria Bondarenko at Hungarian Amarissa Kiara Tóth na nanaig kina third seeds Victoria Jimenez Kasintseva ng Andorra at Linda Noskova ng Czech Republic, 6-7 (2), 6-2, (10-4), sa hiwalay na semis match.

Matikas ang ratsada nina Eala at Selekhmeteva sa simula pa lamang ng laro matapos kubrahin ang 4-2 kalamangan sa first set.

Nadala nina Eala at Selekhmeteva ang magandang momento na nagamit nito sa second frame para tuluyan nang pabagsakin ang Italian pair.

Target ni Eala na masungkit ang ikalawang Grand Slam title.

Show comments