Kiamco kampeon sa Illinois

MANILA, Philippines — Nasungkit ni Warren K­iamco ang kampeonato sa 9-Ball mini event ng 2021 Racks On The Rocks Classic na ginanap sa West Peoria, Illinois.

Naitakas ni Kiamco ang pahirapang 9-7 panalo laban sa kababayang si Roland Garcia sa all-Filipino championship match upang makuha ang korona.

Nasikwat ni Kiamco ang $3,300 top purse habang nagkasya si Garcia sa $2,200 konsolasyon.

Nagtapos naman si Kiamco sa ikawalong puwesto sa 8-Ball Division para sa $300 premyo samantalang nasa ikaapat si Garcia na nag-uwi ng $700 karagdagang premyo.

Ito ang ikalawang sunod na kampeonato ni K­iamco matapos pagha­rian ang Diveney Cues Bar Box Classic 10-Ball Division sa East Moline, Illinois noong nakaraang linggo.

Sa kabuuan, may tatlong titulo na si Kiamco sa taong ito kasama ang 5th Annual Barry Behrman Memorial Spring Open 9-Ball na nakamit nito noong nakaraang buwan.

Samantala, sasalang sina Roberto Gomez at Jeffrey De Luna sa prestihiyosong 2021 World Pool Masters na magsisimula ngayong araw sa Europa Point Sports Complex sa Gibraltar.

Unang makakasagupa ni Gomez si Denis Grabe ng Estonia habang titipanin ni De Luna si Niel Feijen ng Netherlands.

Show comments