NEW YORK — Hindi nakumpleto ni Washington Wizards guard Russell Westbrook ang kanya sanang ika-183 career triple-double habang inangkin ng Atlanta Hawks at New York Knicks ang playoff seat.
Sa Atlanta, tumapos si Westbrook na may 34 points, 15 assists at 5 rebounds sa 116-120 kabiguan ng Wizards na nagbigay sa Hawks ng playoff spot sa Eastern Conference.
Nabigo si Westbrook na maiposte ang kanyang pang-183 triple-double dalawang gabi matapos sirain ang record na 181 ni Oscar Robertson.
Umiskor si Trae Young ng 33 points para sa pagdagit ng Hawks (39-31) sa una nilang playoff seat matapos noong 2017.
Nalagay naman sa panganib ang tsansa ng Wizards (32-38) na makasama sa play-in tournament.
Sa Cleveland, naghulog si Kevin Love ng season-high 30 points sa 102-94 pagdaig ng sibak nang Cavaliers (22-48) sa Boston Celtics (35-35).
Ang pagkatalo ng Celtics, nalaglag sa play-in tournament, ang nagpasok sa New York Knicks (38-31) sa playoffs sa East bilang No. 6 team.
Ito ang unang pagkakataon na umabante ang Knicks sa playoffs matapos noong 2013.
Sa Salt Lake City, kumamada si Damian Lillard ng 30 points sa 105-98 tagumpay ng Portland Trail Blazers (41-29) sa Utah Jazz (50-20) at patibayin ang pag-asa sa playoff spot.
Sa Los Angeles, tumipa si Talen Horton-Tucker ng 23 points sa 124-122 pag-eskapo ng nagdedepensang Lakers (40-30) sa talsik nang Houston Rockets (16-54).
Sa New York, nagbalik sa aksyon si James Harden matapos ang 18-game absence at naglista ng 18 points at 11 assists sa 128-116 paggiba ng Brooklyn Nets (46-24) sa San Antonio Spurs (33-36).
Sa Dallas, may 33 points si Luka Doncic sa 125-107 pagpapatalsik ng Mavericks (41-29) sa New Orleans Pelicans (31-39).