MANILA, Philippines — Inaabangan na ang pagpasok ni Filipino-American Dwight Ramos sa training camp ng Gilas Pilipinas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Si Ramos na lamang ang hinihintay upang makumpleto ang Gilas pool sa Calambubble.
Noong Abril 26, nauna nang pumasok sa Calambubble sina Dave Ildefonso, Isaac Go, Javi Gomez de Liaño, Justine Baltazar, Kemark Carino, ang Nieto twins, Rey Suerte, William Navarro, Jaydee Tungcab, Carl Tamayo, Jason Credo, Jordan Heading, Lebron Lopez, RJ Abarrientos, Geo Chiu, SJ Belangel at Tzaddy Rangel.
Nasa bansa na si Ramos matapos matengga sa Amerika dahil sa travel restrictions.
Kinukumpleto na lamang nito ang quarantine requirement na ipinatutupad ng Pilipinas para sa lahat ng returning Filipinos sa bansa.
Ngunit bago pumasok sa Calambubble, daraan si Ramos sa swab test para masiguro na ligtas ito sa coronavirus disease (COVID-19).
Nasa puspusang ensayo ang Gilas para sa FIBA Asia Cup Qualifiers sa Hunyo 16 hanggang 20 sa Clark, Pampanga at ang FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Hunyo 29 hanggang Hulyo 4 sa Belgrade, Serbia.