MANILA, Philippines — Inilabas na ang draw sa prestihiyosong 2021 World Cup of Pool na idaraos sa Mayo 9 hanggang 14 sa Stadium MK sa Milton Keynes, England.
Ipaparada ng Pilipinas sina Roberto Gomez at Jeffrey De Luna sa naturang world meet na magtatampok sa 23 pinakamahuhusay na pares sa mundo.
Nasa right bracket ang Pinoy duo na makakasagupa sa first round ang Great Britain-B team na binubuo nina Kelly Fisher at Allison Fisher.
Nakatakda rin ang duwelo ng United States at Australia, Geart Britain-A vs Belarus, Estonia vs Belgium, Poland vs Kuwait, Germany vs Lithuania, Albania vs Denmark at ang Spain vs Italy.
Babandrahan naman nina reigning champions Albin Ouschan at Mario He ng Austria ang left bracket kung saan sisimulan nito ang title defense laban kina Jabub Koniar at Jaroslav Polach ng Slovakia.
Masisilayan din ang bakbakan ng Czech Republic at Hungary, Russia vs Switzerland, Japan vs Croatia, Canada vs South Africa, Greece vs Serbia, Finland vs Iceland at Netherlands vs Bosnia and Herzegovina.
Ipatutupad ang knockout format sa torneong ito kung saan ang magkakampeong pares ay magbubulsa ng tumataginting na $60,000 premyo habang magkakamit naman ng $30,000 ang runner-up.
Target nina Gomez at De Luna na maibalik sa Pilipinas ang World Cup of Pool crown na huling nahawakan nina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza noong 2013 pa.