May parusa rin ang GAB sa siquijor

Kabilang sa mga miyembro ng Siquijor sina Joshua Alcober, Ryan Buenafe, Vincent Tangcay, Jan Peñaflor, Gene Bellaza, Michael Calomot, Frederick Rodriguez, Jopet Quiro, Isagani Gooc, Miguel Castellano, Juan Aspiras at Peter Buenafe gayundin sina head coach Joel Palapal at team staff Magenelio Padrigao.
Released

MANILA, Philippines — Hindi pa tapos ang hagupit na ipinataw ng VisMin Super Cup sa Siquijor Mystics dahil may inihahandang sariling parusa ang Games and Amusements Board (GAB) sa mga nagkasala.

Ayon kay GAB chairman Baham Mitra, hinihintay lamang nito ang report ng dalawang kinatawan nito sa VisMin Super Cup na nagbabantay sa loob ng bubble sa Alcantara Civic Center sa Cebu.

Sa oras na makumpleto na ang imbestigasyon ng GAB, inaasahang maglalabas na ito ng sariling desisyon.

Isa sa posibleng ipataw na parusa ng GAB ang pagtatanggal sa professional license ng mga players at coaches ng Siquijor.

“As to the players’ license revocation, while we respect the league rules, we will base our decision on the report from our own people on the ground and the move of VisMin but giving all parties concerned due process,” ani Mitra.

Kabilang sa mga miyembro ng Siquijor sina Joshua Alcober, Ryan Buenafe, Vincent Tangcay, Jan Peñaflor, Gene Bellaza, Michael Calomot, Frederick Rodriguez, Jopet Quiro, Isagani Gooc, Miguel Castellano, Juan Aspiras at Peter Buenafe gayundin sina head coach Joel Palapal at team staff Magenelio Padrigao.

Sa oras na mawalan ng lisensya, hindi na maaaring lumahok ang mga ito sa anumang GAB-sanctioned tournaments.

Pinuri ng GAB ang mabilis na pag-aksiyon ng pamunuan ng VisMin Super Cup na agad na pinatalsik ang Siquijor sa liga habang pinatawan ng suspensiyon at multa ang ilang miyembro ng Lapu-Lapu.

“We commend the swift action of the VisMin management. We have been in close coordination with them and support their decision,” dagdag ni Mitra.

Tiniyak ni Mitra na mananatiling nakamatyag ang GAB sa bawat kilos sa loob ng VisMin Super Cup kaya’t binalaan nito ang sinumang nagbabalak gumawa ng mga hindi kanais-nais sa liga. “We are watching them closely and issue reminders to them at all times,” aniya.

Nagsimula ang lahat sa kaduda-dudang laro sa pagitan ng Siquijor at Lapu-Lapu noong Miyerkules dahilan upang ipatigil ito.

Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng VisMin Super Cup na nagresulta sa desisyon nitong sibakin na ang Siquijor sa liga at suspendihin at pagmultahin ang ilang players at coaches ng Lapu-Lapu.

Show comments