Panibagong isyu sa Tokyo Olympics
MANILA, Philippines — Muli na namang nahaharap sa panibagong hamon ang mga Tokyo organizers dahil sa pag-lobo ng kaso ng mga nagpopositibo sa coronavirus disease (COVID-19) 100 araw bago ang 2021 Olympic Games.
Tumataas ang bilang ng mga COVID-19 cases sa Tokyo, habang ilang lugar sa Japan ang inilagay sa bagong restrictions. Noong Martes ay lumobo sa 508,802 ang positive cases sa buong Japan.
Ngunit kumpiyansa sina Olympic bound-national boxers Nesthy Petecio at Irish Magno, pole vaulter Ernest John Obiena at 2016 Rio de Janeiro silver medalist Hidilyn Diaz na matutuloy ang 2021 Tokyo Games.
Kasalukuyan nang nasa Tashkent, Uzbekis-tan si Diaz para lumahok sa Asian Weightlifting Championship at pormal na angkinin ang kanyang ikaapat na Olympic ticket.
Bukod kina Petecio, Magno at Obiena, ang iba pang mayroong nang Olympic ticket ay sina gymnast Carlos Edriel Yulo at boxers Eumir Felix Marcial at Carlo Paalam.
Nasa isang training camp sa Istanbul, Turkey ang mga national karatekas bilang paghahanda sa Olympic qualifying sa Paris, France sa Hunyo.
Ilan pang national athletes ang sasalang sa mga itinakdang Olympic qualifying sa mga susunod na buwan sa hangaring makalaro sa quadrennial meet sa Tokyo.
Inilunsad ang Olympic torch relay sa Fukushima noong nakaraang buwan kung saan ipinagbawal ang mga manonood na dumalo sa launch ceremony.
Sinimulan na rin ang vaccination program ng iba’t ibang bansa sa kanilang mga atleta bilang paghahanda sa pagsabak sa 2021 Tokyo Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
- Latest