MANILA, Philippines — Ipaparada ng Pilipinas sina Jeffrey De Luna at Roberto Gomez sa prestihiyosong World Cup of Pool na tutumbok sa Mayo 9 hanggang 14 sa Stadium MK sa England.
Tinukoy ng World Cup of Pool organizers sina De Luna at Gomez para maging kinatawan ng Pilipinas sa naturang world meet na magtatampok ng 32 pairs mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nakalaan ang tumataginting na $250,000 kabuuang papremyo kabilang ang $60,000 para sa magkakampeon.
Hangad nina De Luna at Gomez na masungkit ang ikaapat na titulo ng Pinas sa World Cup of Pool.
Sa katunayan, Pilipinas ang pinakamatagumpay sa kasaysayan ng World Cup of Pool tangan ang tatlong titulo, dalawang runner-up at dalawang semifinal finishes sa nakalipas na edisyon ng torneo.
Nagtulong sina legendary cue masters Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante para pagharian ang 2006 edisyon sa Newport, Wales.
Napasakamay nina Reyes at Bustamante ang ikalawang korona noong 2009 sa labang ginanap sa Manila habang nakamit nina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza ang ikatlong korona ng bansa noong 2013 sa London, England.
Kasama naman ni De Luna si Carlo Biado sa pagkopo ng runner-up trophy noong 2019 edisyon sa Leicester, England.
Sa taong, ito mapapalaban ng husto sina De Luna at Gomez dahil kumpirmado na ang partisipasyon nina reigning champions Albin Ouschan at Mario He ng Austria.
Tutumbok din ang pambato ng Russia (Fedor Gorst at Sergey Lutsker), Netherlands (Niels Feijen at Marc Bijsterbosch), Japan (Naoyuki Oi at Masato Yoshioka), Great Britain A (Jayson Shaw at Chris Melling). Finland (Petri Makkonen at Casper Matikainen), Poland (Mieszko Fortunski at Wojciech Szewczyk) at Spain (David Alcaide at Francisco Sanchez-Ruiz).