Gervacio sa Creamline na!

Dzi Gervacio
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nagtawid-bakod na rin si Dzi Gervacio na namaalam na sa Perlas Spikers para pagtuunan ang beach volleyball kasama ang Creamline Cool Smashers.

Pasok na sa programa ng Creamline si Gervacio na beterano na sa beach volleyball competitions.

Isiniwalat ng Cool Smashers ang anunsiyo sa kanilang social media accounts.

“We are so excited about having you on our team. With your expe­rience, you will be a great addition to Creamline beach volleyball,” ayon sa post ng Cool Smashers.

Kasama ng dating A­teneo de Manila University opposite hitter sa Creamline beach volleyball team sina Sisi Rondina, Bernadeth Pons at Dij Rodriguez.

Hindi na bago si Gervacio sa beach volleyball kasama sina Rondina, Pons at Rodriguez.

Magkakasamang nakasungkit ng tansong medalya ang tambalan nina Rondina at Pons, at nina Rodriguez at Gervacio noong 2019 Southeast Asian Games beach volleyball competition na ginanap sa Subic.

Naghahanda ang apat na beach volleybelles sa pagsabak sa 2021 SEA Games na idaraos sa Hanoi, Vietnam sa huling bahagi ng  taon.

Hangad ng tropa na malampasan ang bronze-medal finish nito noong 2019 edisyon.

Sa paglisan ni Gervacio sa Perlas Spikers, magi­ging malaki ang kontribusyon ni wing spiker Jhoana Maraguinot na bagong pasok sa tropa.

Inaasahang si Maraguinot ang papalit sa nabakanteng puwesto ni Gervacio sa opposite side.

Show comments