Isa sa 4 na boxers posibleng maibigay ang unang Olympic gold - Picson

MANILA, Philippines — Apat na national boxers ang magtatangkang masuntok ang pinakaunang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympic Games.

At sa tingin ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) Secretary General Ed Picson ay isa kina middleweight Eumir Felix Marcial, flyweight Irish Magno, fea­therweight Nesthy Petecio at flyweight Carlo Paalam ang maka­kagawa nito sa 2021 Olympics sa Tokyo, Japan.

“Kung maniniwala kami na eh isa lang malabo ito, eh huwag na lang tayong pumunta kung ganoon. Eh ito apat, lalo nang naniniwala kami na malaki ang chances natin,” sabi kahapon ni Picson sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum webcast edition.

Simula nang sumali ang Pilipinas sa Olympics noong 1924 sa Paris, France ay wala pang Pinoy na nagwawagi ng gold medal sa quadrennial event.

Ang pinakamalapit ay ang silver medal nina featherweight Anthony Villanueva (1964 Tokyo), light flyweight Mansueto ‘Onyok’ Velasco Jr. (1986 Atlanta, USA) at weightlifter Hidilyn Diaz (2016 Rio de Janeiro, Brazil).

Sinabi ni Picson na ka­sal­ukuyan nang pinaghahandaan ng mga national coaches ang gagamiting estratehiya sa 2021 Tokyo Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.

“Well marami (kalaban sa gold), depende sa weight category katulad ng kay Nesthy nandiyan ‘yung Taipei, pero iyong kay Marcial karamihan nasa mga Central Asian and European, iyong kay Carlo, Asian, Cuban and American,” ani Picson.

Show comments