PBA opening nanganganib!

Orihinal sanang bubuksan ang liga sa Abril 11 subalit inilipat ito sa Abril 18 sa Ynares Sports Center sa Antipolo City noong nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) pa ang probinsiya ng Rizal.

Reschedule ulit?

MANILA, Philippines — Nanganganib na muling maatras ang opening ng PBA Season 46 Philippine Cup dahil sa ipinatutupad na mas mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR plus bubble.

Natigil ang ensayo ng lahat ng teams sa liga upang sumunod sa patakarang ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung saan limitado ang galaw ng mga tao.

Muling isinailalim sa ECQ ang National Capital Region (NCR), Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan matapos pumalo sa halos 10,000 ang kaso ng tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19).

Kaya naman walang magawa ang PBA teams kundi ang sumunod sa tuntuning ipinatutupad sa bansa.

Matapos ang Semana Santa, muling magpupulong ang pamunuan ng PBA upang bumuo ng solidong plano para sa pagdaraos ng Philippine Cup.

Orihinal sanang bubuksan ang liga sa Abril 11 subalit inilipat ito sa Abril 18 sa Ynares Sports Center sa Antipolo City noong nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) pa ang probinsiya ng Rizal.

Base sa guidelines ng Joint Admi­nistrative Order (JAO) group na binubuo ng Games and Amusement Board (GAB), Philippine Sports Commissioner (PSC) at DOH, tanging sa MGCQ areas lamang maaaring magsagawa ng torneo.

Dahil sa mga bagong kaganapan, muling magbabalangkas ang liga ng bagong plano kung paano idaraos ang Season 46.

Nauna nang inihayag ni PBA commissioner Willie Marcial na nais nitong magkaroon ng scrimmages ang mga koponan ng dalawang linggo bago simulan ang season.

Samantala, pinayuhan ng GAB ang mga professional athletes, leagues at organizers na sumunod sa patakaran ng IATF at manatiling nasa loob muna ng tahanan.

Pinaaalalahanan ng GAB na ipinagbabawal muna ang anumang face-to-face trainings mula Marso 29 hanggang Abril 4.

Show comments