Pinakamatinding kalaban tinukoy ni Pacquiao
MANILA, Philippines — Tinukoy ni eight-division world champion Manny Pacquiao ang pinakamatinding kalabang nakaharap nito sa kanyang buhay — ang coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Masuwerte ang Pinoy champion dahil hindi ito kasama sa mga tinamaan ng COVID-19 maging ang sinumang kapamilya nito.
Subalit nawasak ang puso ni Pacquiao dahil sa epektong dulot nito sa mga kababayang lubos na nalugmok sa hirap dahil sa pandemya.
“Hindi man ako lumaban sa boxing ring, ito ang pinakamabigat na laban na nakaharap ko dahil nadama ko ang hirap na binibigay nito sa ating mga kababayan lalung-lalo na sa mahihirap na tao, sa mahihirap na pamilya,” ani Pacquiao.
Alam ni Pacquiao ang ganitong karanasan dahil galing ito sa hirap.
Ikinuwento pa nito ang kanyang naging buhay noong nakalubog pa ang kanilang pamilya sa kahirapan.
May pagkakataon na halos hindi na kumakain ng sapat ang kanilang pamilya dahil sa kakulangan sa pera.
Kaya naman nais ni Pacquiao na makatulong sa mga kababayan nito partikular na ang mga mahihirap na dumaraan sa pagsubok.
“Kaya sa aking maliit na kaparaanan, sinikap namin na pumunta sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas upang magbigay ng pagkain at kaunting tulong sa ating mga kababayan,” aniya.
- Latest