Baldwin hanga kay Kai
MANILA, Philippines — Bilib si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) program director Tab Baldwin kay Kai Sotto hindi lamang sa loob ng court maging sa dedikasyon nito.
Humanga ng husto si Baldwin nang magdesisyon itong bumalik sa Pilipinas para lumahok sa ginagawang training camp ng Gilas Pilipinas sa bubble.
Nakita ni Baldwin si Sotto sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna at agad na humanga ang beteranong coach sa magandang pag-uugali ng bagitong player.
“I can only make one based on what I saw and I saw Kai enjoying. He was proud to wear a Gilas uniform. I saw him impress,” ani Baldwin sa programang Power and Play.
Saludo si Baldwin sa kagustuhan ni Sotto na makatulong sa Gilas Pilipinas na noon ay naghahanda para sa FIBA Asia Cup Qualifiers na idaraos sana sa Doha, Qatar.
Hindi masisilayan si Sotto sa Calambubble sa pagkakataong ito dahil sa matinding travel restrictions na ipinatutupad.
Pinaghahandaan ng Pinoy squad ang FIBA Asia Cup Qualifiers na itataguyod ng bansa sa Clark, Pampanga sa Hunyo gayundin ang FIBA Olympic Qualifying Tournament na magsisimula sa Hunyo 29 sa Blegrade, Serbia.
- Latest