Ang isyu sa pagka-delay ng allowance ng mga National Athletes ay hindi pa rin nawawakasan hanggang ngayon. Kamakailan, ang Tokyo Olympics qualifiers na sina Irish Magno at Eumir Felix Marcial ay na-headline nang mag-post sila sa social media ng kanilang sentimyento ukol sa allowance at suporta ng Philippine Sports Commission.
Sila lang ang naglakas loob magsalita. Katunayan, hindi lang sila ang may hinaing na ganito. Maraming national athletes din ang dumaranas ng sentimyentong tulad ng kanila.
Saan ba nagsimula ang ingay ng mga atleta?
Nagsimula ang lahat nang ipangako ng PSC na maibalik ang kanilang mga allowance sa ika-15 ng Pebrero. Kung sa buwan ng Pebrero maibabalik ang allowance mula sa pagkakahinto nito noong Enero, aasahan ng national athletes pumasok ang allowance sa kanilang bank accounts ng Marso 15, 2021.
Ngunit anong petsa na? Isang Linggo na ang nakalipas. Mayroong advisory na inilabas ang PSC ukol sa pagsasara ng cashier mula Marso 22 hanggang 24 para sa pagsasagawa ng testing at monitoring ng mga personnel dulot ng COVID-19. Nitong Lunes, may advisory muli na lumabas tungkol sa pagsasara ng Landbank Century Park Hotel Branch at sarado ito until further notice dulot ng posibleng exposure sa COVID-19. Ang bangkong ito ang accredited bank ng PSC kung saan ito rin ang may hawak sa account ng national athletes. Kung sarado ang mga ito, paano mabibigyan ng katiyakan na maproseso ang allowance ng mga atleta? Kailan ba talaga dapat asahan?
Abangan ang ikalawang bahagi bukas.