MANILA, Philippines — Nagpasya si JC Intal ng Phoenix Fuel Masters na tuluyan nang magretiro matapos ang 13 taon sa Philippine Basketball Association.
Inilabas ng 37-anyos na dating Ateneo de Manila University standout ang kanyang desisyon sa social media ngunit hindi nito idinetalye ang dahilan ng kanyang retirement.
“After 2 decades of playing the sport I love, 13 years of which in the PBA, I am officially announcing my retirement from basketball,” ani Intal.
Nagpasalamat ito sa lahat ng tumulong sa kanyang basketball career mula noong nasa high school pa ito at kolehiyo hanggang sa maabot ang kanyang pangarap na makapaglaro sa PBA.
May dalawang kampeonato ito sa PBA — isa sa Barangay Ginebra at isa sa B-Meg na mas kilala na ngayon bilang Magnolia Hotshots.