Fernandez sa atleta: kung may reklamo idiretso sa PSC!

Ito ang pahayag nina PSC Commissioner Ramon Fernandez at Philippine Olympic Committee president Abraham ‘Bambol’ Tolentino matapos ang pahayag sa social media nina 2021 Olympic Games-bound boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno.
STAR/File

MANILA, Philippines — Bagama’t sinusuportahan ang mga national athletes ay dapat ring intindihin ng mga ito ang sitwasyon ng Philippine Sports Commission (PSC).

Ito ang pahayag nina PSC Commissioner Ramon Fernandez at Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino matapos ang pahayag sa social media nina 2021 Olympic Games-bound boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno.

“We have a grievance committee where athletes can write to,” wika ni Fernandez, ang Chef De Mission ng Team Philippines para sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam. “The committee will study and investigate and come up with the best solution, we have an office for that.”

Ginamit nina Marcial at Magno ang social media para ireklamo ang pagkakaantala ng kanilang monthly allowances mula sa PSC.

Matapos ang ilang araw ay nailabas na ng sports agency ang nasabing allowances ng halos 1,300 national athletes.

“Normal lang iyon sa mga atleta natin, siyempre naghahanap din sila,” wika ni Tolentino. “Patience na lang. We have to understand the government side. Medyo malalim ito. Hindi lang po PSC ang naghahabol sa fundings pati pambili natin ng bakuna naghahabol tayo sa fundings.”

Ayon sa Congressman ng ika-8 Distrito ng Cavite, dapat intindihin ng mga national athletes ang kinakaharap na sitwasyon ng PSC.

“Ako kasi naiintindihan ko from government side and private side na hindi kadali ngayon sa panahon ng pandemic, hindi ganoon kadali iyong avai­lability and liquidity ng isang agency dahil naghihikaos nga ang economy natin,” dagdag pa ng Philcycling chief.

Show comments