Buhain, 9 pa sa Sports Hall of Fame
MANILA, Philippines — Isang basketball legend, isang 13-time Southeast Asian Games gold medalist at isang football great ang iniluklok para sa Philippine Sports Hall of Fame (PSHOF).
Inihayag ng PSHOF Selection Committee, pinamumunuan nina Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez at Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino, ang pangalan ng 10 sports heroes na pinili para sa PSHOF na idaraos sa Abril.
Nangunguna sa listahan sina PBA Living Legend Robert Jaworski, swimmer Eric Buhain at football player Paulino Alcantara.
Naging bahagi ang 75-anyos na si Jaworski ng Philippine team na dalawang beses naghari sa FIBA Asia Championships noong 1967 at 1973 sa Seoul at Manila, ayon sa pagkakasunod.
Kasama rin si ‘Jawo’ sa listahan ng PBA 40 Greatest Players.
Lumangoy naman si Buhain, naging PSC chairman, ng kabuuang 13 gold medal sa SEA Games tampok ang lima noong 1991 Manila edition. Si Alcantara ay naglaro para sa FC Barcelona kung saan ginawa niya ang kanyang debut sa edad na 15-anyos patungo sa pagtatala ng 369 goals sa 357 official at friendly matches.
Ang iba pang iniluklok sa PSHOF ay sina Dionisio Calvo (coach-basketball at football), Arianne Cerdena (bowling), Gertrudes Lozada (swimming), Elma Muros-Posadas (athletics), Rogelio Onofre (athletics), Leopoldo Serrantes (boxing) at Roel Velasco (boxing).
“I would like to thank everyone for all their work. It is very enriching for me to be part of this awards” sabi ni Ramirez sa mga miyembro ng PSHOF Selection Committee.
Ang nasabing mga sports heroes ay tatanggap ng cash incentive na P200,000 bukod sa PSHOF trophy.
- Latest