Malaki ang gagampanang papel ng athlete’s commission para sa malawakang pag-unlad ng volleyball sa bansa.
Nakasalalay sa amin nina Alyssa Valdez (chairwoman), Denise Lazaro-Revilla (secretary), John Vic De Guzman (vice-secretary) kasama ang miyembro na sina Jaja Santiago, Mark Espejo, Dawn Macandili, Cherry Rondina, Ran Abdilla at ang inyong lingkod bilang vice-chairwoman ang mga programang makakatulong sa atleta.
Layunin naming makabuo ng programang magbibigay ng magandang benepisyo at ang makikinabang ay walang iba kundi mga manlalaro ng volleyball sa bansa, magmula sa mga bata hanggang sa propesyunal na mga manlalaro. Tungkulin naming ipagmalaki at i-promote ang larong volleyball bilang patas at malinis na isport. Kaakibat din ng responsibilidad namin na ibahagi ang kahalagahang malaman ang impormasyon ukol sa mga isyung medikal at anti-doping. Mahalaga na mabigyan ng kaalamang medikal lahat ng manlalaro upang matutunan nila ang mga mabuti at hindi mabuting maidudulot nito sa katawan bilang atleta.
Bibigyang diin din ang pag-aaral sa pangkalahatang sitwasyon ng volleyball sa bansa upang makalikha ng mabisang pormula tungo sa magandang pagbabago. Maglalaan ng mga programang magbibigay ng oportunidad na makakuha ng panibagong karera pagkatapos magretiro sa paglalaro.
Ilan lang iyan sa mga pangunahing tungkulin at responsibilidad namin bilang miyembro ng Philippine Volleyball Athlete Commission. Sisikapin naming magampanan nang mabuti ang aming papel sa programang ito ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).