MANILA, Philippines — Sunod na tututukan ng Philippine Superliga (PSL) ang pagdaraos ng All-Filipino Conference na isa sa mga inaabangan ng mga Pinoy volleyball fans.
Tagumpay ang isinagawang 2021 Beach Volleyball Challenge Cup sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sand courts kung saan itinanghal na kampeon ang Abanse Negrense-1.
Walang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa mahigit 70 kataong nagpartisipa sa naturang torneo — ang kauna-unang volleyball tournament matapos ang mahigit isang taong pagkakatengga.
Nagawa ito ng mga organizers dahil sa mahigpit ang pagpapatupad ng health protocols para masiguro na ligtas ang lahat ng mga players, coaches at officials na nasa loob ng bubble.
At umaasa ang pamunuan ng PSL na magsilbi itong magandang simula para maikasa na ang indoor volleyball.
Aminado ang PSL na mas magiging mahirap ang pagpapatakbo sa indoor games dahil mas maraming tao na ang involve kung saan posibleng umabot sa 20 katao ang bawat koponan - 12 players, dalawa hanggang tatlong coaches at iba pang officials gaya ng trainers at medical staff.
Kaya naman bumubuo na ng solidong plano ang PSL sa pagdaraos ng indoor games.
Nakasalalay na lamang ang lahat sa magiging desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung aaprubahan ito.