MANILA, Philippines — Sa kanyang pagiging top shot blocker ng nakaraang 2020 PBA Philippine Cup sa Clark bubble ay hinirang si Phoenix big man Justine Chua bilang Top Bubble D-Fender ng PBA Press Corps sa virtual Awards Night.
Nagposte ang dating sentro ng Ateneo Blue Eagles sa UAAP ng average na 1.6 per game para sa kampanya ng Fuel Masters.
Kabilang din si Chua sa All-Bubble D-Fenders unit na binubuo nina Christian Standhardinger (NorthPort), Calvin Abueva at Mark Barroca (Magnolia) at Chris Ross (San Miguel).
Pararangalan sila sa PBAPC virtual Awards Night na nakatakda sa Marso 7 mula sa TV5 Media Center na inihahandog ng Cignal TV at ipapalabas sa Marso 8 sa PBA Rush.
Ang 31-anyos na si Chua ang ikalawang Fuel Masters player na bibigyan ng bubble awards mula sa mga reporters na nagkokober ng PBA beat matapos si veteran guard RJ Jazul na hinirang na Mr. Quality Minutes.
Ang iba pang tropeo na ibibigay ay ang Outstanding Coach of the Bubble, Mr. Executive, President’s Award at isang special citation.
Gagawaran din ng parangal para sa nakaraang season sina 2019 Baby Dalupan Coach of the Year Leo Austria ng San Miguel, Danny Floro Executive of the Year PBA Chairman Ricky Vargas ng TNT, Presidential Awardee Vergel Meneses at Defensive Player of the Year Sean Anthony ng NorthPort.