NEW YORK — Tumapos si Kyrie Irving na may 27 points at 9 assists habang may 20 markers si James Harden para akayin ang Brooklyn Nets sa 129-92 pagbalasa sa Orlando Magic.
Ito ang pang-walong sunod na ratsada ng Nets (22-12) na pinakamahaba ngayon sa NBA, matapos ang kanilang franchise record-tying 14-game run noong 2005-06 season.
Ito naman ang ika-anim na laro na hindi nakita si Kevin Durant dahil sa kanyang strained left hamstring.
“We just want him to stay patient, stay peaceful and when he comes back the world will be on notice again,” ani Irving kay Durant.
Pinamunuan ni Nikola Vucevic ang Magic (13-20) sa kanyang 28 points at 12 rebounds.
Sa Philadelphia, kumolekta si Joel Embiid ng 23 points at 9 rebounds at may 15 markers si Ben Simmons para banderahan ang 76ers (22-11) sa 111-97 paggupo sa Dallas Mavericks (15-16).
Sa Milwaukee, nagtala si Giannis Antetokounmpo ng 38 points, 10 boards at 4 assists sa 129-125 pagdaig ng Bucks (20-13) sa New Orleans Pelicans (14-18).
Sa Memphis, kumayod si Tyus Jones ng career-high 20 points para ihatid ang Grizzlies (14-14) sa 122-94 panalo laban sa Los Angeles Clippers (23-11).
Sa Denver, nagpasabog si Bradley Beal ng 33 points sa 112-110 paglusot ng Washington Wizards (12-18) sa Nuggets (17-15).
Sa New York, umiskor si Immanuel Quickley ng 18 sa kanyang 25 points sa first half at humakot si Julius Randle ng 21 points at 14 rebounds sa 140-121 panalo ng Knicks (16-17) sa Sacramento Kings (12-20).