Pinangalanan na ang mga miyembro ng volleyball athlete’s commission noong ika-10 ng Pebrero. Ang inyong lingkod ay kabilang dito bilang vice-chairman habang ang chairman naman ay si Alyssa Valdez, secretary si Denden Lazaro-Revilla at vice-secretary si John Vic De Guzman.
Sa kauna-unahang pagkakataon, magkakaroon ng representasyon ang mga atleta sa nasyunal na asusasyon ng volleyball sa bansa. Sa matagal na panahon ay walang kapangyarihan ang mga atleta na magbahagi ng mga isyu na personal na nararanasan sa loob. Kapag sinabing loob ay iyong mismong dinadanas sa loob ng team. Halimbawa, iyong mga kakulangan sa suporta ng gamit, kakulangan sa programa, kakulangan sa allowance, kakulangan sa pag-aasikaso ng masustansiyang pagkain at marami pang iba.
Binabanggit ko rito ang mga inisiyal at palagian ng sentimiyento ng mga atleta magmula pa noon. Sa ngayon ay nabago na rin naman ito. Ngunit kailangan pa rin ng maigirang pagbabago para sa isport ng volleyball sa hinaharap.
Kung mayroon mang pangunahing pagbabago na nais naming makamit, iyon ay ang magkaroon ng ‘pagkakaisa’. Bilang kinatawan ng mga atleta sa athlete’s commission sa ilalim ng Philippine National Volleyball Federation Inc., gagawin namin ang lahat upang mabigyan ng boses ang mga manlalaro ng volleyball sa bansa.
Ire-representa namin ng mabuti ang mga manlalaro. Ibubuhos namin ng buo ang mga sarili upang magampanan ang papel namin na makatulong sa pagpapaunlad ng volleyball sa bansa. Nawa’y pagkatiwalaan kami nang lubos na maisakatuparan ang pag-alalay sa mga inilatag na plano ng PNVFI para sa volleyball sa pangkalahatang aspeto.