MANILA, Philippines — Ang Alcantara, Cebu ang tatayong host para sa pagbubukas ng Pilipinas VisMin Super Cup, ang kauna-unahang community-based professional basketball league sa South, sa Abril 9.
Dahil sa muling pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Cebu City ay napagkasunduan ng VisMin Cup organizers, sa pakikipagtulungan kay dating PBA star at ngayon ay Cebu City Councilor Don Don Hontiveros, na gawin ang opening ceremony ng Visayas leg sa Alcantara.
“We have only one case of COVID-19 in our municipality,” ani Alcantara Mayor Fritz Lastimoso kahapon sa ‘Usapang Sports on Air’ via Zoom ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS).
Sinabi ni Hontiveros na mas pinahalagahan nila ang kaligtasan ng mga koponan kaya nila pinili ang Alcantara bilang venue ng VisMin Cup season-opening.
Inaprubahan ng Games and Amusements Board (GAB) ang naging desisyon ng VisMin organizers na ilipat ang venue sa Alcantara.
Idinagdag ni Chan sa nasabing forum na itinataguyod ng GAB, Philippine Sports Commission (PSC) at PAGCOR na gagawin ang Mindanao leg sa unang linggo ng Mayo kung saan major sponsor ng VisMin Super Cup ang MDC at official ball ng liga.