MANILA, Philippines — Mula sa United States ay umuwi sa Pilipinas si national athlete Pauline Lopez para makasama ang national taekwondo team sa ‘bubble’ training sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Nanatili ang two-time Southeast Asian gold medalist sa Los Angeles, California sa halos kabuuan ng 2020 dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Pinaghahandaan ng mga taekwondo jins ang Asian Olympic Qualifiers, ang pinakahuling qualifying tournament para sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Nakatakda ang nasabing Olympic qualifying competition sa huling linggo ng Marso sa Amman, Jordan.
Nauna nang kinansela ang pagdaraos ng Asian Qualification Tournament noong nakaraang Abril sa Wuxi, China dahil sa lockdown bunga ng COVID-19 pandemic.
Muling nakasama ng 24-anyos na si Lopez sa ‘Calambubble’ sina 2016 Rio de Janeiro Olympics veteran Kirtsie Elaine Alora, Arven Alcantara, Kurt Barbosa at Samuel Morrison.
Bukod sa national taekwondo team, nasa ‘Calambubble’ rin ang mga national squads ng boxing at karatedo.
Sina gymnast Carlos Edriel Yulo, pole vaulter Ernest John Obiena at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno pa lamang ang nakasikwat ng tiket sa 2021 Tokyo Olympics.