MANILA, Philippines — Dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic ay plano ng Department of Education (DepEd) na gawin ang taunang Palarong Pambansa via virtual.
Kahapon sa Philippine Sportswriters Association (PSA) webcast edition ay sinabi ni DepEd Palarong Pambansa Director Joel Erestain na hindi lahat ng 20 sports events ay maaaring maidaos.
“We’re planning to hold virtual Palarong Pambansa,” ani Erestain. “Kaso nga lang hindi na siya iyong full spectrum of the sporting events ng Palaro.”
Mula nang ilunsad noong 1948 ay ilang beses nakansela ang nasabing annual sporting event para sa mga elementary at high school student-athletes dahil sa iba’t ibang dahilan.
Ang 2020 edition na hahawakan sana ng Marikina City ay nakansela dahil sa COVID-19 pandemic.
“Nakikita namin ang situation ng Palarong Pambansa this year there is a very big possibility that it might continue until next year kasi it will all depend on how the vaccines are rolled out nationwide, especially on students,” ani Erestain.
Kinansela ang Palarong Pambansa noong 1957 dahil sa pagkamatay ni Pangulong Ramon Magsaysay habang noong 1972 ay idineklara naman ang Martial Law.
Hindi rin naidaos ang sports meet noong 1984 hanggang 1987 matapos patayin si Sen. Benigno Aquino Jr. na nagresulta sa EDSA Revolution.