Ginawang ‘champion in recess’
MANILA, Philippines — Tinanggalan ng korona ng World Boxing Association (WBA) si welterweight king Manny Pacquiao dahil bigo nitong madepensahan ang titulo sa mahabang panahon.
Mula sa pagiging “super champion,” nagpasya ang WBA Championships Committee na gawin itong “champion in recess” habang si Cuban Yordenis Ugas na ang magsisilbing “super champion” simula ngayong araw.
“Filipino Manny Pacquiao has been named Champion in Recess by the WBA in a resolution issued by the Championships Committee. Cuban Yordenis Ugas was promoted to Welterweight Super Champion,” nakasaad sa statement ng WBA.
Matagal nang hawak ni Pacquiao ang WBA belt.
Noong Hulyo 2019 pa itong sumalang kung saan pinayuko nito si American fighter Keith Thurman via split decision para masungkit ang WBA welterweight belt.
Subalit hindi na naging madali ang mga sumunod na pangyayari.
Dumanas ang buong mundo ng paghihirap dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic kaya’t bigo ang kampo ni Pacquiao na maikasa ang kanyang title defense.
Hindi naman ito kontrolado ni Pacquiao kaya’t wala itong magawa kundi sumunod sa mga health protocols at restrictions.
Dahil sa mahabang panahon na pagkakatengga, nagpasya na ang pamunuan ng WBA na tanggalan ng titulo si Pacquiao.
“Rule C.22-24 states that when a champion is unable to defend the belt for medical, legal, or other reasons beyond his control, he may be named champion in recess,” ayon sa WBA.
Habang sinusulat ang balitang ito, wala pang sagot ang kampo ni Pacquiao sa desisyon ng WBA.
Pinaplantsa ang pagtutuos nina Pacquiao at American undefeated fighter Ryan Garcia na nauna nang inihayag na posibleng exhibition match na lamang.
Ngunit itinanggi ni MP Promotions chief Sean Gibbons na magiging exhibition lamang ito dahil posibleng ito na ang magsilbing title defense ni Pacquiao na hinahanap ng WBA.