Malaking pagbabago ang haharapin ng volleyball sa pagkahirang ng mga bagong opisyal ng national volleyball association sa bansa.
Si Tats Suzara ang iniluklok na pangulo ng asosasyon matapos makakuha ng 31 boto mula sa eleksiyon na ginanap noong nakaraang Lunes, Enero 25. Dinaluhan din ng iba’t ibang volleyball stakeholders ang nasabing eleksiyon at kasama rin dito ang Philippine Olympic Committee (POC).
Ngayon ay Philippine National Volleyball Federation, Inc. na ang makabagong tawag sa asosasyon ayon sa POC president na si Bambol Tolentino.
Ito na ang papalit sa nagsasalpukang Philippine Volleyball Federation (PVF) at Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPI). Sa darating na FIVB Congress na idaraos sa susunod na buwan via online, ito na ang magiging kinatawan ng Pilipinas.
Bilang manlalaro ng volleyball sa bansa at kapitana ng national women’s volleyball team, nagagalak ang puso ko sa mga kaganapang ito. Nasasabik na rin ako sa mga hakbang na gagawin ng bagong asosasyon upang mapabuti na ang kalagayan ng volleyball sa bansa. Matagal na panahon din nagkaroon ng komplikasyon dahil sa hindi pagkakaintindihan ng mga opisyal noon.
Isa sa mga plano ngayong taon ay ang kabuuang pag-iisa ng volleyball sa bansa. Magandang balita ito para sa lahat ng mga manlalaro maging ng mga manonood sapagkat ang pinakahihintay na pagsasanib puwersa ng PSL at PVL ay magiging posible na! Kaya Pilipinas Volleyball, handa ka na ba? Ako kasi handang-handa na!