MANILA, Philippines — Kahit mayroong anim na International Tennis Federation (ITF) women’s singles title ang kanyang kalaban ay hindi nasindak si Alex Eala.
Pinatalsik ng Pinay tennis sensation si No. 2 seed Mirjam Bjorklund ng Sweden, 6-4, 3-6, 6-3, sa se-cond leg ng W15 Manacor ITF Rafael Nadal Academy World Tennis Tour sa Mallorca, Spain.
Naisuko man ang second set ay inangkin naman ni Eala ang third set para sibakin ang 22-anyos na si Bjorklund, ang ITF No. 250 at Women’s Tennis Association (WTA) No. 315 ranked player.
Ito ang ikalawang professional women’s singles tournament ng 15-anyos na si Eala, ang ITF No. 1670 at WTA No. 1190 ranked netter, ngayong taon.
Kamakailan ay nagreyna ang iskolar ng Rafa Tennis Academy sa first leg ng W15 Manacor makaraang hiyain ang 28-anyos na si World No. 409 Yvonne Cavalle-Reimers, 5-7, 6-1, 6-2, sa finals.
Naglalaro bilang isang Junior Reserve sa torneo, haharapin ni Eala si home bet Alba Carrillo Marin sa second round.
Kasalukuyang ITF World No. 56 ang 24-anyos na si Carrillo Marin na sinilat ni Eala, 6-1, 7-6, sa isang torneo noong Nobyembre ng 2020.
Dahil sa panalo kay Bjorklund ay kumpiyansa si Eala na tatalunin din niya si Carrillo Marin papasok sa quarterfinals ng torneo.