Inabisuhan na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang lahat ng National Sports Associations na hanggang Disyembre 31, 2020 lamang mabibigyan ng allowances ang mga atleta at coaches na kabilang sa payroll ng PSC. Gayunpaman, babalik ang allowances sa buwan ng Pebrero ngayong taon.
Sa ngayon, obligado ang NSA na likumin ang mga dokumento ng bawat atleta at coaches na nasa kanilang pangangalaga.
Kailangan magsumite ng profile form ang mga ito upang magkaroon ng updated data ang PSC. Ang mga dokumento ay maglalaman ng mga pinakamahahalagang datos ukol sa buhay ng mga manlalaro at coaches kung saan ibabahagi rito ang kanilang mga napagtagumpayang kompetisyon lokal ‘man o internasyunal. Kasama rin ang kanilang pagkakakilanlan sa mga datos na lilikumin.
Ngunit ang pagsusumite ay hindi patunay na kabilang na ang isang atleta at coach sa National Training Pool na makakatanggap ng PSC payroll sapagkat sasailalim pa rin ito sa pagsusuri at ebaluwasyon. Sa Enero 29 and deadline na ibinigay ng PSC.
Sa palagay ko, ginawa ito ng PSC para magkaroon ng kalinawan sa datos ng mga atletang opisyal na bahagi ng National Training Pool ngayong 2021. Maigi rin na isinagawa ito para salaing maigi sapagkat ayon sa mga kasamahan kong national athletes, may ibang atletang hindi na umano bumalik sa training ngunit hindi kaagad naaabisuhan ang PSC dito gayung tumatanggap ng payroll.
Sa kabilang banda, aasahan ng mga atleta ang muling pagbabalik ng kanilang allowance sakaling matapos na ang paglilinis ng PSC sa mga rekord. Ang ilan ay magtitipid na lang daw muna sapagkat baka sa Marso pa pumasok ang allowance na nakatakdang bumalik sa Pebrero.