MANILA, Philippines — Hindi na masisilayan si wing spiker Kat Tolentino suot ang Ateneo de Manila University jersey sa UAAP matapos itong magdesisyong tumuntong sa pro.
Matapos ang ilang buwan na pananahimik, pormal nang inihayag ni Tolentino ang intensiyon nitong lumaro sa Premier Volleyball League (PVL) kasama ang Choco Mucho.
Nakapagbigay na ito ng full commitment sa Flying Titans dahilan para tuluyan nang tuldukan ang kanyang collegiate career sa Lady Eagles.
May tsansa pa sanang makapaglaro si Tolentino sa UAAP Season 84 dahil binigyan ng konsiderasyon ang mga senior players na lampas na sa age limit na 25.
Nakatakdang magdiwang ng ika-26 taon si Tolentino sa Enero 27.
Gayunpaman, wala nang balak si Tolentino na gamitin pa ang kanyang final year para lubos na maisentro ang kanyang atensyon sa Flying Titans.
Malaki ang pasasalamat ni Tolentino sa buong Ateneo community sa suportang natanggap nito sa ilang taong pamamalagi sa Katipunan-based squad.
Galing sa ilang buwan na bakasyon si Tolentino sa Canada.
Matapos ang holiday season, dumating ito sa Pilipinas kung saan sumailalim isa 14-day qua-rantine period.
May isang taon pa sanang eligibility si Tolentino.
Subalit naudlot ang Season 82 noong nakaraang taon habang kinansela naman ang Season 83 dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.