MANILA, Philippines — Mas lalo pang lumalim ang listahan ng mga kalahok sa PBA Annual Rookie Draft sa pagpasok nina Filipino-Americans Taylor Statham at Mikey Williams.
Inihayag mismo ni Statham ang pag-entra nito sa rookie draft sa kanyang social media account.
“Declared for the 2021 PBA Draft. All in Gods hands now,” anang 6-foot-6 na si Statham sa kanyang post.
Malalim na ang karanasan ng 28-anyos cager dahil nakapaglaro na ito sa NBA G League kasama ang Los Angeles D-Fenders noong 2015.
Ilang international teams na rin ang nalaruan nito gaya ng Pacific Caesar sa indonesia at Kabayan sa Thailand habang naglaro na ito para sa Pasig sa Pilipinas 3x3 tournament.
Hindi rin pahuhuli ang records ni Williams.
Nakapag-G League rin ito gaya ni Statham.
Nasilayan si Williams para sa Sioux Fall at Canton noong 2014 hanggang 18.
Naging import pa ito ng Saigon Heat sa Asean Basketball League (ABL) habang naging bahagi ito ng Mighty Sports Philippines sa William Jones Cup at Dubai International Basketball Tournament.
Gaya ng ibang Fil-Am applicants sa rookie draft, kailangan nina Statham at Williams na magsumite ng dokumento sa PBA office upang patunayan ang kanilang pagiging Pilipino.
Hanggang sa Marso 9 pa ang pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento.
Mayroon nang Philippine passport si Williams na naging armas nito para makapaglaro sa Gen San squad sa Maharlika Pilipinas Basketball League.