Marcial sasabak ulit sa Marso

MANILA, Philippines — Sa Marso ang target date ng ikalawang professional boxing fight ni three-time Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial na naghahanda para sa Tokyo Olympics sa Hulyo.

Ikinakasa na ng MP Promotions ang pagbabalik sa ring ni Marcial matapos ang kanyang matagumpay na pro debut noong Dis­yembre.

Matatandaang nasikwat ni Marcial ang unanimous decision win laban kay American fighter Andrew Whitfield sa isang four-round non-title fight sa Microsoft Theater sa Los Angeles, California.

Kaya naman iniha­handa na ni MP Promotions chief Sean Gibbons ang susunod na pagsubok para sa 24-anyos Zam­boanga City pride.

Maganda ang umpisa ng pro boxing career ni Marcial.

Subalit marami pa itong dapat matutunan upang lubos na maging matagum­pay sa kanyang dibisyon.

Masuwerte ito dahil tinututukan ito ni American mentor Freddie Roach kasama pa si strength and conditioning expert Justin Fortune — ang dalawang coaches na humahasa sa tuwing sasalang si eight-division world champion Manny Pacquiao.

Malaking tulong ang paggabay nina Roach at Fortune hindi lamang sa kanyang pro boxing career maging sa kanyang tangkang masungkit ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics.

Show comments