Manuel priority ng Alaska
MANILA, Philippines — Sumisigaw ng trade si Alaska ace Vic Manuel ngunit nilinaw ng pamunuan ng Aces na nais nitong makasama ang mahusay na forward sa pagsisimula ng PBA Season 46 sa Abril.
Nag-ugat ang lahat sa lumabas na ulat na nais na lamang ni Manuel na ma-trade matapos makatanggap ng umano’y one-year offer mula sa Aces.
Napaso ang kontrata ni Manuel noong Disyembre 31.
Subalit nilinaw ng Alaska na dalawang taong maximum deal — ang ikalawang taon ay non-guaranteed, team-option — ang inilatag nito kay Manuel.
Nang malaman ang balita, agad na kinausap ni Cariaso si Manuel.
Ibinahagi ni Manuel kay Cariaso ang kanyang saloobin kung saan ang tanging iniisip nito ay ang ang kanyang pamilya.
Magdiriwang ng ika-34 kaarawan si Manuel sa Hunyo at alam nitong ilang taon na lamang ang nalalabi bago ito tuluyang mag-retiro.
Ayaw nang talakayin pa ni Cariaso ang iba pang detalye ng kanilang pag-uusap ngunit iginiit nito na mananatiling prayoridad si Manuel sa kanilang listahan.
“Vic is our No. 1 priority to re-sign,” ani Cariaso.
Anim na taon na si Manuel sa Aces.
Naglaro muna si Manuel sa GlobalPort (2012-2013), Meralco (2013) at Air21 Express (2013-2014) bago tuluyang lumipat sa Alaska noong 2014 kung saan nanatili ito ng anim na taon.
Maganda ang performance ni Manuel sa nakalipas na PBA Season 46 Philippine Cup sa Clark bubble kung saan nagtala ito ng averages na 15.9 points, 6.0 rebounds at 2.1 assists.
- Latest