Volleyball na-block ng COVID-19

Alyssa Valdez

MANILA, Philippines — Kung may posisyon ang coronavirus disease (COVID-19) sa volleyball, walang iba kundi “blocker” ang magiging puwesto nito sa 2020 matapos hara­ngin ang iba’t ibang major leagues sa bansa.

Nangunguna sa lista­han ang inaabangang UAAP Season 82 volleyball tournament.

Nagawa pang maka­pagsimula ang liga at ma­kapagdaos ng mga laro ng may dalawang linggo ngunit noong Marso inilabas ang postponement ng laro dahil sa patuloy na pagdami ng COVID-19 cases.

Tuluyan na itong kinansela noong Abril 9 matapos ihayag ng Malacañang na mananatili sa mahigpit na Enhanced Community Quarantine ang buong National Capital Region.

Ipinasya ng pamunuan ng UAAP na ipagpaliban na ang volleyball gayundin ang iba pang natitirang events sa season para na rin sa kaligtasan ng lahat pangunahin na ang mga student-athletes.

Sapul din ang iba pang commercial leagues.

Nagkaroon pa ng ope­ning ang Philippine Superliga (PSL) Grand Prix noong Pebrero 29.

Pero ipinatigil din ito noong Marso 23 at tuluyan nang pinauwi ang imports ng walong teams.

Hindi na nakaarangkada pa ang Reinforced Conference ng Premier Volleyball League (PVL) na plano sanang umpisahan noong Mayo.

Kanselado rin ang PSL Challege Cup Beach Volleyball Tournament na gaganapin sana noong Nobyembre 27 hanggang 29 sa Subic Bay Freeport.

Inilipat na lamang ito sa Pebrero. Ngunit pinakamalaking pasabog ang desisyon ng PVL na maging professional league simula sa susunod na taon.

Maraming volleyball stars ang natuwa sa pa­ngunguna na ni Creamline Cool Smashers team captain Alyssa Valdez.

Taliwas naman ang desisyon ng PSL.

Nanindigan ang liga na mananatili itong semi-professional league ngunit bukas din ang pintuan nito sa posibilidad na maging pro sa mga susunod na taon.

Sa katunayan, una nang tinalakay ang planong pagpasok bilang pro ng PSL noon pang 2018.

Nagdesison ang po­werhouse Petron, Generika-Ayala at Marinerang Pilipina na mag-leave of absence sa 2021 dahil sa epekto ng pandemya.

Nagulat ang lahat sa pagpasok ng reigning PVL Reinforced Conference champion PetroGazz A­ngels bilang guest team sa PSL.

Kung magiging ma­ayos na ang lahat sa nga­yong na taon, asahan na ang pagbabalik-aksyon ng pinakamahuhusay na volleyball players sa bansa.

Show comments