Ginto bumuhos kay De Los Santos sa 2020

Orencio James De Los Santos
STAR/ File

MANILA, Philippines — Tunay na nagning­ning ang mundo ni Orencio James De Los Santos matapos humakot ng gintong medalya sa kaliwa’t kanang online karate tournaments na nilahukan nito.

Sa katunayan, pu­malo na sa 33 ang gintong medalyang kanyang na­panalunan upang matikas na tuldukan ang 2020 season hawak ang No. 1 spot sa world rankings.

Kaya naman isa na ang pangalan ni De Los Santos sa itinuturing na pinakamalakas at kinatatakutan sa men’s seniors individual kata category.

Ngunit hindi naging ma­dali ang pinagdaanan ni De Los Santos bago maabot ang tinatamasa nitong tagumpay.

Nagsimula ang 30-an­yos karateka sa ilang online tournaments noong summer.

Sinamantala ng Cebuano ang Enhanced Community Quarantine na dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic upang makabuo ng solidong performance para sa kumpetisyon.

Maalat ang simula ni De Los Santos. Ilang beses itong bigo na makasikwat ng medalya.

Subalit hindi ito nawalan ng pag-asa. Unti-unting napansin ang husay at galing ni De Los Santos noong Mayo matapos makahirit ng pilak na medalya sa Sportsdata e-Tournament World Series.

Sa kanyang ikalawang pagtatangka, natikman ni De Los Santos ang unang gintong medalya noong H­unyo sa e-Tournament Korokotta Cup na nagsilbing simula ng kanyang paghakot ng gintong medalya.

Ito na ang naging si­mu­la ng magandang ka­palaran ni De Los Santos na namayagpag sa ma­lalaking torneo upang makalikom ng malalaking puntos para sa world rankings.

Dumaan ang ilang nagdaang bagyo at karamdaman sa kanya ngunit hindi ito naging hadlang para maabot ang minimithing tagumpay. Nagbunga ang lahat ng pagsisikap nito matapos makuha ang top spot sa world rankings noong Oktubre.

Kaya naman walang balak tumigil si De Los Santos sa paglahok sa torneo upang patuloy na maipakilala ang husay ng isang Pilipino at mabigyan ng karangalan ang buong sambayanan.

Show comments