Donaire umaasang matutuloy ang laban vs Rodriguez

Nonito “The Filipino Flash” Donaire
STAR/ File

MANILA, Philippines — Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si dating world champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire na nananatiling positibo ang pananaw sa kabila ng kinakaharap nito.

Tiwala ang Filipino-Ame­rican fighter na mai­babalik sa kanya ang kara­patang labanan si Puerto Rican pug Emmanuel Rodriguez sa Disyembre 19 sa Mohegan Sun Arena sa Uncasville, Connecticut.

Matatandaang noong Disyembre 10, inihayag ng protomoters na positibo si Donaire sa unang test para sa coronavirus disease (COVID-19).

Hindi na ito isinailalim pa sa confirmatory test at agad na tinanggal si Donaire sa lineup.

Sa bagong schedule, haharapin na ni Rodriguez si dating interim World Boxing Association (WBA) bantamweight champion Reymart Gaballo.

Ngunit sa confirmatory test, lumabas na negatibo si Donaire sa COVID-19 kung saan tatlong confirmatory test na ang pinagdaanan nito na pare-parehong negatibo sa COVID-19 ang resulta.

“I went out, paid and took two molecular NAAT tests 24 hours apart and a rapid antigen. All results negative. Three tests, three negative results,” ani Donaire.

Kaya naman nanawagan si Donaire sa promo­ters ng laban na ikunsidera ang lahat ng mga resul­tang iprinisinta nito upang matuloy ang laban nito kay Rodriguez.

Ayon kay Donaire, may panahon pa para baguhin ang schedule ng laban.

Nakasalalay na lamang ito sa magiging pinal na desisyon ng promoters at ng mismong WBC.

Isinumite na rin ni Do­naire ang timbang nito sa World Boxing Council (WBC) kung saan kasalukuyan itong may bigat na 122 pounds.

Show comments