MANILA, Philippines — Hindi man maisama sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa susunod na taon ay umaasa ang Pilipinas Obstacle Sports Federation (POSF) na maibibilang sila sa 2024 Olympic Games sa Paris.
“Hopefully, kapag mapasok man kami sa Olympics, kung hindi man sa 2024, sa 2028, God-willing,” ani (POSF) president Atty. Al Agra sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum webcast edition.
“We’re preparing for that. We have a ten-year program, we have a 15-year program kaya mahalaga ang developmental pool, mahalaga ang kabataan,” dagdag nito.
Inaprubahan sa 2021 Olympics sa Tokyo, Japan ang pagkakasama sa calendar of events ng skateboarding, sport climbing at surfing habang ang breakdancing ay lalaruin sa 2024 edition sa Paris.
Sa 30th SEA Games noong Disyembre ay winalis ng mga Pinoy obstacle racers ang nakalatag na anim na gold medals bukod pa sa tatlong silver at isang bronze.
Subalit hindi kasama ang obstacle racing sa 2021 Vietnam SEA Games.
“We’re lobbying pero kung hindi masama kasi it’s beyond us, life will go on, life will be brighter, there are a lot of events,” sabi ni Agra. “Hopefully, 2023 masama kami. We are lobbying as well for the Asian Games in 2022.”
Nakatakdang lumahok ang mga atleta ng POSF sa Asian Invitationals sa May na pamamahalaan ng bansa at sa World Championships sa Russia sa Setyembre.