Walang dagdag FSA sa lineup
MANILA, Philippines — Sa oras na maaprubahan ang naturalization ni Ivorian Angelo Kouame, walang plano si Ateneo de Manila University head coach Tab Baldwin na magdagdag ng isang foreign student-athlete (FSA) sa lineup nito.
Base sa patakaran ng UAAP, isang foreign student-athlete lamang ang pinapayagan na maglaro para sa isang koponan.
Una nang napaulat na magiging regular student-athlete na si Kouame kung ma-naturalize na ito kaya’t maaari pang magpasok ang Ateneo ng isa pang foreign student-athlete.
Ngunit hindi pabor si Baldwin sa ganitong setup.
Kaya naman agad nitong binasag ang naturang isyu upang matapos na ang usap-usapan.
“I would not be in favor of exploiting that loophole to try and gain a competitive advantage for the team,” ani Baldwin sa Coaches Unfiltered ng Smart Sports
Gumugulong na ang naturalization ni Kouame makasama ang Gilas Pilipinas sa international tournaments gaya ng FIBA Asia Cup Qualifiers sa Pebrero at ang prestihiyosong FIBA World Cup na idaraos sa bansa sa 2023.
Wala na ang ilang key players gaya nina Isaac Go, Matt Nieto, Mike Nieto at UAAP Season 82 Finals MVP Thirdy Ravena, solido pa rin ang Ateneo na kasalukuyang hawak ang three-straight championship crown sa liga.
Inaasahang papasok pa sa Blue Eagles si Dwight Ramos na tunay na nakita ang bagsik sa loob ng court sa katatapos na FIBA Asia Cup Qualifiers sa Manama, Bahrain.