Maagang Pamasko ang bumungad sa national athletes dahil nito lang ika-2 ng Disyembre ay natanggap na nila ang kanilang allowance at may kasama pang retro. Ang retro ay iyong kalahating halaga ng allowance nila na na-cut simula nang magkaroon ng pandemya. Halimbawa, kung ang isang atleta ay tumatanggap ng sampung libong piso buwan-buwan bago magpandemya, noong nagpandemya ay nangalahati na lamang ito.
Bagama’t nagkaroon ng pagka-delay sa pamimigay ng allowances ng national athletes at coaches nitong mga nakaraang buwan, natupad din ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pangako nito na maibabalik ang retro.
Maraming atleta ngayon ang natuwa sa natanggap na allowance. Mayroon na kasing sapat na budget upang makapaghanda sa darating na Pasko at Bagong Taon.
Puspusan pa rin ang ensayo at lalong ganado ang mga manlalaro. Malaking bagay ang natanggap na allowance upang makabangon sa hirap na idinulot ng pandemya. Sana ay unti-unti nang bumalik ang lahat sa dating normal. Sunod na tinitingnan ng national athletes ang posibilidad na makapag-ensayo na o maisakatuparan ang training bubble para makapagsanay at makapaghanda na para sa Olympics at Southeast Asian Games sa susunod na taon.