Marcial may bagong sparring partner
MANILA, Philippines — Desididong magpalakas ng husto si three-time Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial para sa kanyang kampanya sa Tokyo Olympics at sa inaabangang debut sa professional boxing.
Makailang ulit nang sumalang sa sparring session si Marcial sa pamosong Wild Card Gym sa Hollywood.
Ngunit hindi pa ito kuntento.
Kasama na ngayon ni Marcial ang bagong sparring partner sa ngalan ni World Boxing Council United States (USNBC) super welterweight champion Madiyar Ashkeyev ng Kazakhstan.
Hawak ni Ashkeyev ang matikas na 14-0 rekord kabilang ang pitong knockouts.
Gaya ni Marcial, nagmula rin si Ashkeyev sa amateur bago tumuntong sa professional level.
Galing si Ashkeyev sa panalo laban kay Rodolfo Martinez.
Kaya naman malalim-laim na rin ang karanasan ni Ashkeyev sa pro boxing at magiging magandang sparring partner ito para kay Marcial.
Sumalang agad sa sparring si Ashkeyev kasama si Marcial. Anim na rounds ang pinagdaanan ni Marcial kung saan tatlo rito ay laban kay Ashkeyev.
Pinaghahandaan ni Marcial ang unang pagsabak nito sa pro dahil nauna nang inihayag ni MP Promotions chief Sean Gibbons na plano nitong maikasa ang laban sa Disyembre.
Maliban sa pro fights, nakasentro ang atensiyon ni Marcial para bigyan ng kauna-unahang gintong medalya ang Pilipinas sa Olympic Games na idaraos sa susunod na taon sa Japan.
Wala pang linaw kung maglalaro pa ito sa international amateur boxing tournaments sa oras na matapos na ang laban nito sa Olympics o ipapaling na nito ang kanyang atensiyon sa pro boxing.
- Latest