Patayan na ‘to!
TNT vs Phoenix; Ginebra kontra Meralco
MANILA, Philippines — Ito ang larong hindi maaaring isuko ng Barangay Ginebra, TNT Tropang Giga, Meralco at Phoenix.
Magtutuos ang Gin Kings at Bolts ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang upakan ng Tropang Giga at Fuel Masters sa alas-3:45 ng hapon sa Game Five ng kani-kanilang semifinals series sa 2020 PBA Philippine Cup sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.
Ang dalawang mananaig ang maghaharap sa best-of-seven championship series ng torneong limang sunod na taon dinomina ng San Miguel Beermen.
Itinabla ng Meralco sa 2-2 ang kanilang best-of-five semifinals duel ng Ginebra matapos agawin ang 83-80 panalo sa Game Four.
“I’m sure the players are very, very happy to get a chance to go into Game Five, and get a chance to go to the finals,” ani Bolts’ coach Norman Black sa kanilang panalo sa Gin Kings ni Tim Cone noong Miyerkules. “Of course, it’s going to be a tough task against Ginebra to beat them in Game Five.”
Asam ng Ginebra ang kanilang ika-27 PBA Finals stint habang ang ikaapat naman ang target ng Meralco.
Muling ibabandera ng Gin Kings sina Stanley Pringle, LA Tenorio, Japeth Aguilar, Scottie Thompson at Jared Dillinger laban kina Chris Newsome, Baser Amer, Raymond Almazan, Cliff Hodge at Reynel Hugnatan ng Bolts.
Sa inisyal na laban, inaasahan naman ni TNT mentor Bong Ravena ang pagresbak ng Phoenix ni bench tactician Topex Robinson.
“We have to want that game so bad,” sabi ni Ravena matapos ang 102-101 paglusot ng Tropang Giga laban sa Fuel Masters sa Game Four na nagtabla sa kanilang serye sa 2-2.
Puntirya ng TNT ang pang-20 PBA Finals appearance at ang kauna-unahang championship stint naman ang hangad ng Phoenix.
- Latest